Sunday, March 31, 2013

Kalihim ng DepEd, Bro. Armin Luistro, susing tagapanayam sa pambansang kumperensiyang Ambagan sa darating na Hulyo


Si DepEd Secretary Bro. Armin Luistro, FSC, ang susing tagapanayam para talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng programang K-12 sa “Ambagan 2013: Pambansang Kumperensiya sa Paglikom ng mga Salita Mula sa Iba’t Ibang Wika sa Filipinas” na gaganapin sa 25-27 Hulyo 2013, sa Leong Hall, Pamantasang Ateneo de Manila, Lungsod Quezon.

Ang proyektong Ambagan ay proyekto ng Filipinas Insitute of Translation (FIT) na ginaganap kada dalawang taon. Ang pinakaunang kumperensiya ng Ambagan ay ginanap noong 5-6 Marso 2009 na kinatampukan ng mga salita mula sa mga wikang Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Ilokano, Ifugao, Kinaray-a, Magindanaw, Maranao, Kapampangan, Pangasinan, Tagalog, Tausug, at Waray.
Itinakda sa Konstitusyong 1987 na Filipino ang ating wikang pambansa. May probisyon din dito tungkol sa pagpapaunlad ng Filipino gaya ng sumusunod:

     Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay
     dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas
     at sa iba pang mga wika. (Artikulo XIV, seksiyon 6)

Ang proyektong Ambagan ay kumikilala sa probisyong pangwika na ito sa Konstitusyon. Nagpapanukala ito ng isang estratehiya sa pagpapayaman ng wikang Filipino—ang paghalaw mula sa kaban ng bokabularyo ng iba’t ibang wika sa Filipinas upang ilahok sa korpus ng wikang pambansa.

Isang magandang halimbawa nito ang salitang pay-yo (may varyant na payaw at payew) ng mga taga-Cordillera. Sa mahabang panahon, karaniwang mababása sa mga teksbuk sa araling panlipunan ang taguring rice terraces o hagdan-hagdang palayan para tukuyin ang ehemplong ito ng katutubong teknolohiyang pang-agrikultura. Nito na lamang naging popular ang paggamit ng salitang pay-yo dahil na rin sa pagtatampok sa konsepto ng wikang Filipino bilang wikang patuloy na nililinang batay sa iba’t ibang wika sa Filipinas.
Ang mga salitang tulad ng pay-yo ay hindi lamang mahalaga dahil sa pagbibigay sa atin nito ng pantumbas sa mga konseptong karaniwang ipinahahayag natin sa wikang banyaga. Higit na makabuluhang itampok ito upang tuluyan at ganap na makilala natin ang ating mga kapatid sa iba’t ibang panig ng bansa at makilala natin ang ating sarili bilang mga Filipino.

Sa kumperensiya ngayong taon, ilalahad ang mga saliksik tungkol sa mga salita mula sa sampu (10) hanggang labindalawang (12) pangunahing wika sa Filipinas. Inaasahang maitampok ang mga salitang may natatanging kahulugan sa kultura at kasaysayan ng grupong etnolingguwistiko. Inaasahang makikilahok sa gawain ang mga iskolar ng wika, mananaliksik, guro, mag-aaral, at lahat ng matuwain sa wika. Para sa pagpapatala at mga tanong, kumontak kay Dr. Michael M. Coroza, Direktor ng Kumperensiya, sa (02) 5471860 o 0923-7395248 o mag-email sa ambagan2013@gmail.com. Ang bayad sa rehistrasyon ay tatlong libo limandaan (P3,500) para sa kit (handout, kopya ng aklat ng Ambagan at iba pang publikasyon ng FIT, sertipiko, ID) at pagkain. Ang mga lalahok na makapagbabayad bago ang petsang 5 Hulyo 2013 ay makatatanggap ng 10% deskuwento.

Ang Ambagan ay inendoso ng DepEd at Commission on Higher Education (CHED), at kasamang itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Ateneo de Manila Institute of Literary Arts and Practices (AILAP), at ng Kagawaran ng Filipino, School of Humanities, Ateneo de Manila University (AdMU).

mag-download ng kautusang pangkagawaran ng CHED
mag-download ng DepEd Advisory
mag-download ng registration form
mag-download ng imbitasyon
mag-download ng detalye sa akomodasyon
magdownload ng poster

No comments:

Post a Comment